HUWAG ISIP BATA, MAGMALASAKIT SA BAWAT ISA
Magkaiba yung “maging tulad ng isang bata” sa “mag-isip bata”. Sinabi ni Jesus na kung hindi tayo magiging tulad ng isang bata, hindi tayo makakapasok sa kaharian ng langit. Ang bata kasi mababaw ang kaligayahan, malinis ang isip, madaling makuntento, at tapat ang puso. Tama, kung hindi tayo magiging ganito, malayo ang kaharian ng Diyos sa atin.
Ang isip bata, iba. Laging iniisip ang sarili, kung ano lang lagi yung pabor sa kanya. Defensive, kasi nga feeling niya siya ang sentro ng mundo. Hindi marunong tumanggap ng pagkakamali. Laging ibang tao ang may mali, laging ibang tao ang kailangang umintindi. Hindi marunong maghintay. Gusto niya kung ano ang gusto niya, ngayon na.
Ang tunay na mature, may malasakit sa kapwa. Iniisip din ang kapakanan ng iba. Hindi madaling ma-offend, kasi kilala niya ang sarili niya. Hindi naninisi ng iba, bagkus tinatanggap ang sariling pagkakamali at nagbabago. Hindi nangungutya o nang-aasar para lang mag-feeling bida. Hindi pa-bida o pa-center of attention. Marunong maghintay, magtiis, at umunawa.
Ang tunay na mature, kahit marami ng alam, alam niyang mas marami pa ang hindi niya alam. Laging game na matuto. Ang mangmang, hindi niya alam na mangmang siya, kasi akala niya alam na niya ang lahat ng bagay.
Humingi tayo ng tulong sa Diyos na matutong magmalasakit sa kapwa. Intindihin rin kung ano ang nararamdaman ng iba. Ilagay ang sarili sa sitwasyon ng iba. Sa ganitong paraan, tayo ay makapamumuhay ng mahusay kasama ang ibang tao.
“Upang hindi magkaroon ng pagkakabaha-bahagi, at sa halip ay magmalasakit sa isa't isa. Kung nasasaktan ang isang bahagi, nasasaktan ang lahat; kung pinaparangalan ang isang bahagi, nagagalak ang lahat.” – 1 Corinto 12:25-26
Comments
Post a Comment